Malaki ang papel ng kasuotan sa pagkakakilanlan ng isang tao at ng kanyang bansa sapagkat maging ang mga ito ay naging parte at saksi sa isang kasaysayan na hindi madaling malimutan at naging dahilan na rin kung paano tayo umabot sa kasalukuyan.

            Ngayong Agosto, kasabay ng selebrasyon sa buwan ng wika, ipinagdiriwang din natin ang pagkapilipino ng bawat isa sa atin. Bagkus, narito ang limang kasuotang Pillipino na hindi lamang naging bahagi ng ating kasaysayan kundi sumasalamin rin saa kultura, tradisyon at paniniwala ng ating mga ninuno at katutubo. 

1.  Barong Tagalog at Baro’t Saya.

Tinaguriang “pambansang kasuotan” ng Pilipinas at siyang madalas nakikita sa telebisyon o tuwing may mahahalagang selebrasyon na may kaugnayan sa bansa. Ang kasuotan na ito ay resulta ng malaking impluwensya ng mga Espanyol noong panahon na nasa ilalim pa nila ang pamamahala sa Pilipinas.

Ganunpaman, noon pa lamang panahon ng pre-kolonyal, ang barong tagalog ay siya nang kasuotan ng mga katutubo kung saan ang manggas ay gawa sa cotton o tinatawag na canga. Ang kulay ng manggas ay naka ayon sa kung ano ang katayuan ng magsusuot nito – pula para sa mga pinuno ng tribo at puti o itim naman sa mga karaniwang tao.

Noong 19th century, kasalukyan ng pamamahala ng mga Espanyol sa Pilipinas, nagkaroon ng pagbabago sa paraan ng paghahabi at pagsusuot ng barong at saya. Ang barong ay nagkaroon na ng burda ang kabuuan ng kasuotan samantalang ang burda noon ay nasa bandang dibdib lamang. Naka butones na rin ito sa may bandang dibdib at mayroon na rin itong maliit na kwelyo.

Ang birheng Maria naman ang naging inspirasyon sa likod ng kasuotan ng mga babae – ang saya. Ang mahabang palda na gawa sa malambot na tela ay naging simbolo ng kagandahan, pagkamahinhin, at modesto ng mga kababaihan noon. Sa katunayan, naidikit pa nga ang saya kay Maria Clara, ang karakter na binuo ng pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal sa kanyang nobela na pinamagatang Noli Me Tangere.

 

            2. Bahag.

                    Ito ang karaniwan at sinaunang kasuotan bago pa man dumating ang mga kastila sa bansa,

sa kasalukuyan ginagamit pa rin ito ng iilang katubo gaya ng mga tribo sa Cordillera. Ang kasuotang ito ay isang piraso ng mahabang tela na ibinabalot sa gitnang bahagi ng katawan ng mga kalalakihan. Bukod sa ang pangunahing layunin ng kasuotan na ito ay protektahan ang maselang bahagi ng nagsusuot, ito rin ay isang simbolo ng katayuan sa lipunan ng isang indibidwal. Kapag mas makulay at maganda ang disenyo ng bahag, ibig sabihin ay mas mataas ang kanyang katayuan sa lipunan. Ginagamit din ito noong unang panahon bilang makilala kung sino ang mga mangangaso at manggagamot at kung sino ang mga kaaway at kakampi.   

 

            3. Malong.

                        Isang kapirasong tela na madalas ginagamit ng mga Maranao at Maguindanao. Maaari

itong gamitin bilang palda at kapa, o kaya naman ay itali sa bag o sa may buhok. Sa kasalukuyan ay naging moderno na ang disenyo at paggamit sa Malong subalit noong panahong bago sakupin ng mga kastila ang ang Pilipinas, hindi lamang ito isinusuot o ginagamit sa tuwing may selebrasyon, nagsisilbi rin itong tagatukoy sa katayuan sa lipunan ng isang indibidwal. Dilaw ang Malong para sa mga maharlika at pula o lila naman ang kulay para sa mga normal na tao.

 

4. Patadyong.

            Kalimitang nakikita na isinusuot ng mga taga Visayas. May malaki itong pagkakahalintulad sa Malong maliban na lamang sa checkered type na patterns na naka burda rito. 19th century pa lamang ay gingamit na ang Patadyong sa kung ano anong bagay. Minsan ay idinidikit ito sa kasuotan subalit madalas ay ginagamit rin itong panali o duyan ng mga sanggol. Nagsilbi rin itong panakop sa mga magsasaka o kaya naman panali sa kanilang mga bewang upang maprotektahan ang kanilang katawan. Ginagamit din itong tapis kapag sila’y naliligo sa batis o ilog.

 

 

5. Lufid.

            Isang tradisyonal na hugis parihabang saya na isinusuot ng mga Igorot sa Mountain Province. Noong unang panahon, isinusuot ito ng mga kababaihan pantakip sa kanilang babang parte ng katawan habang wala silang suot na pang itaas at tanging tattoo ang nakabalot sa kanilang katawan. Ang kasuotang ito ay sumasalamin sa kanilang paraan ng pamumuhay, kultura, tradisyon, ritwal at paniniwala.

            Nakadepende sa kung anong okasyon ang magiging disenyo ng lufid. Para sa mga nagtratrabaho sa bukid ang haba ito ay nasa bandang tuhod lamang upang mas madali at kumportable ang pagkilos. Samantalang nagiging mas mahaba naman ito sa tuwing isinusuot na sa mga espesyal na okasyon. Mas madilim naman ang kulay ng lufid na isinusuot kapag ito’y gagamitin ng patay.

           

 

 RESEARCHER: Amy Ruth B. Valenzuela

LAYOUT ARTIST: Neil P. Cabaces

REFERENCES (APA format):


PHOTO REFERENCES: