TRIGGER WARNING: Bullying, Cyber Violence, Death, Suicide, Depression, Teenage Pregnancy, Anxiety, Stress, Mental Health Disorder, and Physical, Sexual and Emotional Abuse.
Noong Agosto 12,
ipinagdiwang ang International Youth Day. Ito ay naglalayong pukawin ang
atensyon ng pandaigdigang pamayanan patungkol sa iba’t ibang suliranin na kinahaharap
ng mga kabataan sa kani-kanilang komunidad. Bukod pa rito, ito ay nagsisilbing
paraan upang gunitain ang kakayahan at aktibong partisipasyon ng mga kabataan
sa lipunan.
Ngayong taon, ang International
Youth Day na may temang “Transforming Food Systems: Youth Innovation for
Human and Planetary Health”, ay naglalayong ipakita at ipagmalaki ang
pagkamit ng katagumpayan laban sa mga pandaigdigan at lokal na suliranin sa
pamamagitan ng kakayahan at aktibong partisipasyon ng mga kabataan.
Sa paggunita ng Philippine International Youth Day
2021, narito ang iilang mga suliraning madalas hinaharap ng mga kabataang
Pilipino:
1. Bullying o Pambu-bully.
Ito ang karaniwang pangunahing suliranin na
hinaharap ng mga kabataan lalo na ang mga estudyante sapagkat madalas itong
nangyayari sa loob ng eskwelahan. Sa katunayan, ayon sa isinagawang survey
ng Program for International Student Assessment noong taong 2018, anim sa bawat sampung kabataang
Pilipino ang naitalang naging biktima ng bullying. Kaugnay
nito, nasa 65 porsyento ng mahigit pitonglibong kabataang Pilipino ang nasa
edad kinse anyos na nagsasabing naranasan nilang ma-bully. Iisa lamang
ang pinapakita ng mga datos na nabanggit – bago pa man magkaroon ng pandemya talamak
na ang karanasan sa pagitan ng mga kabataan o estudyante.
Ang
bullying ay hindi lamang sa loob ng eskwelahan nangyayari sapagkat
maging ang social media ay naging instrumento na rin ng ibang mga
kabataan para makapanakit ng damdamin at makasira ng reputasyon. Sa
pinakabagong datos na inilabas ng Statista at UNICEF, halos kalahati sa bilang
ng mga kabataang nasa edad 13 hanggang 17 ay nakararanas ng cyber violence
o iyong bullying na nagaganap online gamit ang social media.
Ang
bullying ay may malaking epekto sa pisikal at emosyonal na kalagayan ng
isang inndibidwal. Nag-iiwan ito ng psychological scar sa mga
naging biktima nito na siyang maaaring maging dahilan ng pagpapakamatay. Sa
katunayan, ayon sa datos
na inilabas ng Philippine Statistics Authority, 3,529 na bilang ng mga namatay
sa taong 2020 ay dahil sa pagpapatiwakal. Isa sa mga nakikitang dahilan ng mabilis na pagtaas ng
kaso ng pagpapatiwakal ay ang depression na madalas nakukuha dahil sa bullying.
2. Teenage Pregnancy o maagang
pagbubuntis.
Nito lamang ika-25 ng Hunyo, pinirmahan ng Pangulo
ang Executive Order 141 na
naglalayong gawing prayoridad ng bansa ang suliranin pagdating sa teenage
pregnancy. Tinutulak rin ng Presidente ang Government’s Human
Development and Poverty Reduction Cabinet Cluster upang magplano at magpatupad
ng mga maaaring solusyon sa suliranin gaya ng comprehensive sexual
education, employment opportunities, at health promotion.
Ayon sa Philippine Statistics Authority noong 2019,
mas lumala pa ang kaso ng mga menor de edad na maagang nanganganak. Sa dating
65,341 na bilang noong taong 2018, ngayon ay nasa 62, 510 na. Samantala, base
naman sa survey na inilabas ng Social Weather Stations noong nakaraang
taon (2020) ang teenage
pregnancy ay
ang pinakamahalagang problema ng mga kababaihan ngayon sa bansa.
Bukod sa pinirmahang Executive Order ng pangulo
bilang tugon, sa mabilis na pagtaas ng bilang ng mga kabataang maagang
nagsisipagbuntis, isinusulong rin ng gobyerno na gawing “adolescent-friendly”
ang mga health facilities sa bansa
3. Mga isyu pagdating sa Mental
Health.
Enero
pa lamang nang magsimulang pumutok ang pandemya noong taong 2020, subalit nasa
tatlong libong pilipino na agad ang lumapit sa mga kinauukulan para humingi ng
tulong patungkol sa kanilang mental health issues. Ayon sa National Center for
Mental Health, nasa 3,006 na indibidwal na ang binigyan nila ng tulong online
dahil sa nararanasang anxiety, depression, stressful life events at mood
concerns.
Subalit bago pa man magkaroon ng pandemya, mataas na ang kaso ng mga kabataang nakararanas ng problema pagdating sa kanilang mental health. Ayon sa World Health Organization, tinatantyang nasa 10 hanggang 20 porsyento ng mga kabataan ang biktima ng mental health disorder. Dagdag pa rito ang pinakabagong datos ng PSA sa taong 2020 kung saang 57% ang itinaas sa mga kaso ng pagpapakamatay o pagpapatiwakal kumpara sa mga naunang taon.
4. Pisikal at sekswal na pang-aabuso.
Kababaihan ang mga madalas na biktima ng pisikal at
sekswal na pang-aabuso sa Pilipinas. Ayon sa inilabas na survery ng
National Demographic and Health Survey noong taong 2017, isa sa bawat apat na kababaihang
nasa edad 15-49 ang nakararanas ng pisikal, emosyonal at sekswal na pang-aabuso
ng kanilang mga asawa o kasama.
Base sa Republic Act 9262 o ang Anti-Violence
Against Women and their Children Act of 2004, ang anumang uri ng pang-aabuso sa
kababaihan ay haharap sa matinding kaparusahan.
Ganunpaman, laganap pa rin ang ganitong klaseng krimen lalo na sa mga kabataan. Sa kasalukuyan, taliwas sa kung ano anginaakala ng lahat, ang tahanan ay hindi masasabing “safe sanctuary” ng mga bata at kabataan sa panahon ng pandemya, ito’y nakabase rin sa isang artikulo na inilabas ng Philippine Daily Inquirer.
REFERENCES:
- As COVID shuts down schools, homes become unsafe places for kids (2021). https://newsinfo.inquirer.net/1466741/as-covid-shuts-down-schools-homes-become-unsafe-places-for-kid.
- International youth Day 2021 (2021). https://www.gwp.org/en/About/more/Events-an Calls/2021/international-youth-day-2021/
- Online bullying remains prevalent in the Philippines, other countries (2019). UNICEF. https://www.unicef.org/philippines/press-releases/online-bullying-remains-prevalent-philippines-other-countries
- Pandemic year sees 57% rise in suicide rate in Philippines (2021). https://www.philstar.com/headlines/2021/07/06/2110596/pandemic-year-sees-57-risesuicide-rate-philippines
- Teenage pregnancies in PH up by 7% (2021). CNN Philippines. https://cnnphilippines.com/news/2021/2/8/Teenage-pregnancy-cases-up-in-Philippines.html
- Teenage pregnancy (2013). https://psa.gov.ph/tags/teenage-pregnancy
- Youth Lead (2021). https://www.youthlead.org/resources/transforming-food-systems-youth-innovation-human-and-planetary-health
- 6 in 10 Pinoy teens bullied in school: study (2019). https://news.abs-cbn.com/news/12/14/19/6-in-10-pinoy-teens-bullied-in-school-study
- Suicide cases rise in PH as pandemic drags on (2021). https://www.rappler.com/nation/suicide-rises-philippines-pandemic-drags-on-2021
- Duterte declares teen pregnancy prevention a national priority (2021). https://www.rappler.com/nation/duterte-declares-teen-pregnancy-prevention-national-priority-philippines
- Teen pregnancy is ‘most important problem of women today’ in PH-survey (2021). https://www.rappler.com/nation/teen-pregnancy-most-important-problem-women-today-philippines-sws-survey-november-2020
- Over 3,000 Filipinos seek mental health support since January amid COVID-19 pandemic. http://www.xinhuanet.com/english/asiapacific/2021-03/22/c_139827641.htm
- Violence Against Women (n.d). https://pcw.gov.ph/violence-against-women/
Researcher: Amy Ruth B. Velnzuela
Layout Artists: Britney Cabia and Neil Cabaces
0 Comments